Pages

Pagtigil sa Pag-inom ng Alak

Paano Huminto sa Pag-inom ng Alak

Hindi madaling ihinto ang mga nakagawian na. Ang pag-inom ng alak ay isa sa mga bagay na ito. Lalo pa nga’t nariyan lamang sa tabi-tabi ang nakakatarantang mga inumin. Mabibili kahit saang tindahan. Ngunit kung nasa sa iyo ang mga bagay na kinakailangan upang ganap na maiwanan ang bisyo, maisasagawa mo ang mga ito ayon sa idinidikta ng iyong puso at isipan.

Ang unang dapat na gawin ng isang taong nakitaan ng mga sintomas ng alcoholism ay ang pag-amin sa kanyang kalagayan na siya ay nangangailangan ng tulong. Ang pag-amin sa tunay na kondisyon ng kanyang sarili ay malaking tulong upang mai-programa ang isang indibidwal na sumailalim sa isang programa. Kung ang isang tao ay may masidhing pagnanais na makaalis sa kanyang kasalukuyang kalagayan bilang alipin ng alak, nararapat lamang na aminin niya sa kanyang pamilya at mga kaibigan ang mga bagay na ito. Hindi magiging epektibo sa isang indibidwal ang kahit na anong programa o sistema sa paghinto sa pag-inom ng alak kung siya ay hindi lubusang naisasapuso ang pagtigil.

Pamilya ang dapat na maging gabay sa mga ganitong sitwasyon. Sila ang higit at nararapat na tumulong upang ang naturang tao ay ganap na makaahon sa kinasadlakang putikan. Ang moral na suporta, higit lalo ay nagbuhat sa mga taong malapit ang kalooban sa alcoholic ay malaking bagay upang maisagawa ang mga planong dapat maisagawa. Ang miyembro ng pamilya ang maaaring maging daan upang magsimula ang isang taong gumon sa bisyo ng pag-inom sa landas ng pagtigil. Sila rin ang maaaring magbigay ng patuloy-tuloy na paalala sa nasabing tao upang huwag sumuko at ituloy ang pagpapagamot. Ang mga taong kinakitaan ng kahandaan upang huminto sa pag-inom ay bumabalik sa bisyo kung ang pamilya at malalapit na kaibigan ay hindi niya kinaramdaman ng ibayong suporta at pagtulong.

Sa dami ng dahilan upang masabi na dapat talagang ihinto ang paglalasing, matatabunan ang mga positibong dahilan kung bakit dapat uminom ng alak ang isang tao. Lung mayroon ngang mga positibong bagay sa paglalasing. Ang labis na alak ay maaaring makasira sa ating panloob na mga bahagi ng katawan. Sinisira nito ang ating atay, apdo at puso. Kung ikaw ay umiinom ng alak, nilalagyan mo lamang ng lason ang iyong katawan na maaaring maging sanhi ng malubhang mga karamdaman sa hinaharap.

Ang pangalawa sa listahan ay ang paghahanap ng mga taong maaaring makatulong upang lubos na magamot ang sakit na alkoholismo. Ito ay maaaring doktor na talagang humahawak ng mga ganitong sitwasyon at kondisyon. Kailangang magpakonsulta sa isang manggagamot bago iasagawa ang mga balak na paghinto upang matiyak ang isang mabisa at ligtas na pamamaraan. Ang mga doktor na kalimitang gumagamot nito ay nagsasagawa muna ng ilang mga pagsusuri bago ihatol ang mga kaukulang programa para sa isang indibidwal. Laging tandaan na ang sitwasyon ng bawat nilalang ay maaaring iba sa kondisyon ng isa pang nilalang. Kaya nararapat lamang na siguraduhing ang ilalapat na sistema ay akma sa inyong kalusugan.